CENTRAL MINDANAO – Nakaranas ng matinding pagbaha ang probinsya ng Cotabato dahil sa magdamag na pag-ulan dulot ng bagyong Paeng.
Sa bayan ng Midsayap, Cotabato sinuspinde na ni Mayor Rolly Sacdalan ang klase sa lahat ng antas.
Naglibot din ang alkalde sa mga barangay at nagsagawa ng rescue operation sa mga naipit sa baha.
Una rito, umapaw ang mga kailugan at binaha ang mga mababang lugar dala ng malakas na buhos ng ulan.
Nanawagan naman ng tulong si Pigcawayan, Cotabato Mayor Totoy Agustin sa militar, pulisya at ibang ahensya na tulungan sila sa rescue operation sa mga naipit sa baha.
Binaha rin ang mga bayan ng Libungan, Alamada, Aleosan, Pikit, Kabacan, Kidapawan City at ibang lugar sa probinsya ng Cotabato
Panawagan ni Cotabato Governor Emmylou ”Lala” Mendoza sa mga nakatira sa gilid ng ilog at bundok na mag-ingat sa pagragasa ng baha at pagguho ng lupa.