CENTRAL MINDANAO-Dalawang bayan na naman sa probinsiya ng Cotabato ang nabiyayaan ng mga bagong ambulansiya mula sa pamahalaang panlalawigan ngayong Martes bilang bahagi ng mas pinalakas na programa sa kalusugan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza.
Matatandaang nitong nakaraang buwan ng Agosto lamang, siyam (9) na mga bagong ambulansiya rin ang itinurn-over ni Gov. Mendoza sa mga lokal na pamahalaan ng Libungan, Arakan, Kabacan, Aleosan, Pigcawayan, Carmen, Matalam, Magpet at Pres. Roxas.
Sa maiksing programang ginawa dito ngayong hapon, mismong ang gobernadora pa rin ang nanguna sa pag-turnover ng nasabing mga sasakyan na nagkakahalaga ng P1.795M bawat isa. Labis naman ang pasasalamat nina Mayor Cristobal Cadungan ng Antipas at Mayor Rolly Sacdalan ng Midsayap dahil sa walang-sawa suporta ni Gov. Mendoza lalo na sa pagpapatupad ng mga proyektong pakikinabangan ng taumbayan.
Nagbigay din ng briefing sa mga alkalde si Provincial Health Officer Eva C. Rabaya kung saan sinabi nito na gagamitin ang mga ambulansiya para sa transportasyon ng mga bakuna at iba pang operasyon na may kinalaman sa serbisyong pangkalusugan. Ibibigay ang mga ito sa ilalim ng pangangalaga ng Rural Health Unit ng bawat bayan.
Naroon din sa aktibidad ang ilang board members na sina Jonathan Tabara, Joemar Cerebo at Ivy Martia Lei Dalumpines-Balitoc at ilang mga personel ng Integrated Provincial Health Office.