-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nais ni Cotabato Vice Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na maglabas ng sertipikasyon ang National Food Authority Cotabato Provincial Office na nagsasaad na meron ng sapat na suplay ng NFA rice sa lalawigan.

Ito ay makaraang iulat ni NFA Provincial Assistant Manager Robelito Campued na sumobra na ang kanilang stock ng bigas na una ng binili mula sa mga magsasaka sa lalawigan.

Sinabi naman ni Teresa Herrera, opisyal din NFA na 40,000 sako ng bigas ang normal na kapasidad ng kanilang warehouse subalit halos dumoble na ito dahil na rin sa pagbili ng palay mula sa mga local farmers. Kaugnay nito hiniling ni Campued at Herrera sa SP Cot 58th Regular Session na ipagamit sa kanila ang mga pasilidad tulad ng covered court upang doon na ilagak ang mga sobrang bigas.

Ngunit ayon naman kay VG Taliño-Mendoza kailangan munang bawiin ng NFA ang unang sertipikasyon na hindi nila kayang mag-suplay ng bigas sa mga LGU’s dahil kukulangin ang mga ito. Normal lamang ayon pa sa Bise Gobernadora na maglabas ng bagong sertipikasyon ang NFA dahil merong ng sapat na suplay at bago pa nila hilingin ang paggamit ng mga covered courts.

Nais din ng Bise Gobernadora na makipag-ugnayan ang NFA sa mga LGU’s upang matiyak ang maayos na suplay at bentahan ng bigas sa mga munisipyo.

Nangako naman si Campued na agad silang kikilos upang maayos ang kasalukuyang sitwasyon o sobra-sobrang supply ng NFA rice.