CENTRAL MINDANAO-Nagpaabot ng tulong ang tanggapan ni Cotabato Vice-Governor Emmylou “Lala”Taliño Mendoza sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha sa bayan ng Matalam Cotabato.
Nanguna si Matalam Municipal Councilor Raprap Rafael sa pamamahagi ng mga bigas at isda para sa mga pamilyang apektado ng baha dulot ng malakas na mga pag-ulan.
Ayon kay Mendoza ramdam niya ang hirap at pighati ng mga nasalanta ng baha kung kaya’t kailangan silang tulungan upang makabangon muli.
Kabilang ang ilang mga pamilya mula sa mga barangay ng Linao at Minamaing sa mga bago lamang inabutan ng tulong. Binigyang-diin din nya likas na sa ating mga Pilipino ang pagtutulungan at sa simpleng gawa ay may kaakibat itong pagmamahal sa kapwa.
Sinabi din ng bise gobernadora na hangad niya ang kaligtasan ng mga Cotabateno lalo na sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo at iba pa. Kaugnay nito hinikayat ng bise gobernadora ang bawat isa na magkapit-bisig upang malampasan ang lahat ng mga sakuna at pagsubok.