CENTRAL MINDANAO – Pinag-iingat ni Cotabato Vice-Governor Emmylou Taliño-Mendoza ang mga mamamayan ng probinsya sa iba pang uri ng mga sakit.
Ayon kay Mendoza, tila nakakalimutan na ng iba na may iba pang mga sakit na kailangang dapat iwasan maliban sa coronavirus disease o COVID-19.
Nakaligtaan na aniya ito ng karamihan dahil nakatuon na lagi ang ating pansin sa COVID-19.
Maliban sa COVID-19, sinabi ni Mendoza na dapat mag-ingat din sa dengue fever at mga sakit na dulot ng ‘di malinis na inuming tubig.
Ikinababahala rin ng bise gobernadora ang mga ulat na maraming nagkakalagnat dahil sa iba’t ibang sakit na hindi naman kaugnay ng COVID-19 infection ang ayaw ng sumangguni sa mga government at private health service facilities sa pangambang ma-diagnose agad na COVID-19 positive.
Sinabi ni Mendoza na huwag dapat maniwala sa mga usap-usapan na lahat ng may sakit na dinadala sa mga pagamutan ay agad nang dina-diagnose bilang COVID-19 case.
Aniya, dapat na magpatingin agad ang mga ito sa mga health centers kasi maliban sa COVID-19 ay meron pa tayong dapat na pag-ingatan pa gaya ng mga sakit na sanhi ng lamok at mga intestinal infections at respiratory tract infections na hindi naman dahil sa coronavirus
Dagdag ng bise gobernadora, dapat sa mga doctor at health workers lang ng mga local government units at yaong mga nasa private clinics at hospitals lamang ang pakinggan hinggil sa mga problemang pangkalusugan at huwag sa kung sinu-sino lang.