BACOLOD CITY – Nakatakdang sampahan ng kaso ang isang incumbent councilor ng Moises Padilla, Negros Occidental na hinuli kaugnay sa pag-ambush sa convoy ni Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo kung saan namatay ang kanyang kapatid at pamangkin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Regional Office-6 director Brig. Gen. John Bulalacao, kinumpirma nitong hinuli si Councilor Agustin “Nene” Grande sa kanilang bahay sa Barangay 1.
Kasama nitong inaresto ay isang hindi pa pinangalanang suspek na sasampahan din ng kaso.
Ito ay kasunod ng testimonya ng mga witness na namataan si Grande sa Hacienda Dresden, Barangay Inolingan ilang minuto bago ang ambush at kausap pa umano nito ang mga suspek.
Hindi pa matukoy kung isa si Grande sa mga bumaril kay Councilor Michael Garcia at dating punong barangay Mark Garcia ngunit kinumpirma umano ng mga witness na kasama ng konsehal ang mga salarin.
Ayon sa PRO-6 chief, hindi mahirap ang pagtukoy sa mga suspek dahil mayroong “living witnesses” na personal ding nakausap ni Bulalacao sa kanyang pagpunta sa bayan ng Moises Padilla.
Paliwanag ni Bulalacao, apat na mga saksi ang kanyang nakausap at nagturo raw kay Grande na isa sa mga suspek.
Sa ngayon, nasa kustodiya na sa Moises Padilla Municipal Police Station ang konsehal.
Tiniyak naman ng police regional director na mabibigyan ng due process si Grande.