BACOLOD CITY – Labis ang pasasalamat ng incumbent councilor ng Moises Padilla, Negros Occidental na itinurong suspek sa pag-ambush sa convoy ng kanilang bise alkalde na mabibigyan na ng hustisya ang akusasyon laban sa kanya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Councilor Agustin “Nene” Grande, kinumpirma nitong nagnegatibo ang paraffin test sa kanya.
Paliwanag ni Grande, boluntaryo ang kanyang pagpapasailalim sa paraffin test upang depensahan ang kanyang sarili sa akusasyon na namataan siya sa ambush site bago ang pagdaan ng convoy ni Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo noong Abril 25 at kausap nito ang mga suspek.
Giit ng konsehal, walang katotohanan ang testimoniya ng mga Garcia dahil hindi niya makakayang pumatay ng kapwa.
Nabatid na namatay sa ambush sina Councilor Michael Garcia at dating punong barangay Mark Garcia.
Naniniwala ang konsehal na natalo sila sa eleksyon dahil nakuha ng mga Garcia ang simpatiya ng mga botante.
Maalalang hindi tinanggap ng prosecutor ang inquest sa kaso ni Grande noong nakaraang buwan dahil sa mahina umanong ebidensya.