-- Advertisements --

Duda ang isa sa mga counsel ng Writ of Kalikasan at Continuing Mandamus sa Supreme Court (SC) sa naging hakbang ng Philippine Navy kaya raw umatras ang mga petitioners sa reklamo.

Ayon kay Atty. Chel Diokno, matapos raw kausapin ng abogado ng Navy ang mga mangingisda ay agad na silang umatras bilang mga petitioners sa reklamong sumalang sa oral arguments kahapon.

Maliwanag umanong paglabag sa legal ethics ang ginawa ng pamahalaan.

Aniya, nagsampa lang naman ng petition for Writ of Kalikasan ang mga mangingisda ng Zambales at Palawan para protektahan sila ng gobyerno at ginawa nila ito nang may consent.

JOSE CALIDA 2

Una rito, ibinunyag ni Solicitor General Jose Calida sa isinagawang oral argument kahapon na sa kanilang isinumiteng sinumpaang salaysay, 13 lamang dito ang pumirma habang 19 naman ang nag-withdraw ng kanilang mga signatures.

Sinabi ng SolGen na panlilinlang ito hindi lamang sa mga mangingisda kundi pati sa kataas-taasang hukuman.

Sa opening statement kahapon ni Calida sa oral argument, sinabi nitong lumapit daw ang mga mangingisda sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para pasinungalingan na kasali sila sa mga mangingisdang nagpetisyon.

Inatasan naman ng SC ang magkabilang panig na magsumite ng mosyon sa Biyernes at inaasahang dedesisyunan ito ng mga mahistrado sa darating na en banc session sa Martes.