Magkakasa ang mga tropa ng Pilipinas at Estados Unidos ng counter-landing live-fire exercises sa Mayo 6, 2024 bilang bahagi pa rin ng mga aktibidad na nakapaloob sa Balikatan Exercises 2024.
Dito ay inaasahang gagamit ng iba’t ibang high-powered weapon systems ang mga kalahok na militar sa naturang aktibidad kabilang na ang paggamit ng 105 at 155mm howitzer mula sa Philippine Army at Philippine Marines, apat na tangke mula sa Armor Division, isang fast attack craft mula sa Philippine Navy, 0.50 caliber platform mula sa US Marine Corps kasama ang kanilang Javelin anti-tank missiles, at multi-role anti-armor anti-personnel weapons system, at ang US Air Force MQ-9 unmanned aerial vehicle at B-52 heavy bomber.
Ang naturang pagsasanay ay isang military tactic na layuning pigilan o itaboy ang mga kalabang puwersa bilang pagtatanggol sa teritoryo ng bansa kung saan itatampok din ang joint counter-landing fires.
Magugunita na aabot sa mahigit 16,000 mga sundalo mula sa Pilipinas at Amerika ang makikilahok para sa Balikatan Exercises ngayong taon na itinuturing na pinakamalaking joint military exercises sa pagitan ng dalawang bansa.