teves

Inihayag ng Armed Forces of the Philippines na maaari nitong pakilusin ang counter terrorism unit nito upang tugisin ang umano’y armadong grupo ni Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr.

Ayon kay AFP Visayas Command (Viscom) Commander Lt. Gen. Benedict Arevalo, magagawa na nila ito, ngayon at opisyal nang idineklara si Teves Jr, at iba pang kasamahan bilang mga terorista.

Gayonpaman, naniniwala ang opisyal na ang pagtugis kay Teves at sa umano’y armado nitong grupo, ay bahagi ng Law Enforcement Operation ng PNP

Pero ayon sa opisyal, nakahandang sumuporta ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa Pambansang Pulisya, lalo na sa kampanya ng mga ito laban sa mga armadong grupo.

Maari rin aniyang gamitin ng mga law enforcers ang modelong ginagamit ng sandatahang lakas, sa pagtugis nila sa grupo ng mambabatas.

Paliwanag pa ni Gen Arevalo, dahil sa nasabing deklarasyon ay itinuturing na rin nilang terorista ang grupo ng kongresista, katulad ng pagturing nilang terorista sa komunistang grupo.