Pinawalang bisa ng Court of Appeals sa Maynila ang biosafety permit para sa commercial production ng golden rice na iginawad ng government regulators noong 2021.
Ito ay matapos na kastiguhin ito ng 14 na opponents kabilang ang Greenpeace dahil sa pangamba sa severe health at environmental safety nito.
Sakop din ng naturang ruling ng korte na inisyu noong Abril 17 ang genetically modified eggplant na BT eggplant na pest resistant.
Sa desisyon ng korte, sinabi nito na dahil sa magkasalungat na scientific views at kawalan ng katiyakan sa panganib at epekto ng Golden rice at Bt Eggplant, lumitaw ang posibleng severe at grave threats nito sa kapakanan ng tao at kapaligiran.
Kaugnay nito, hindi papayagan ang commercial propagation hangang sa makapagsumite ang concerned respondent government agencies ng katibayan na ligtas at sumusunod ang mga ito sa lahat ng legal requirements.
Matatandaan na ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa buong mundo na nag-apruba ng golden rice na mayaman sa Vitamin A precursor beta-carotene at may matingkad na kulay dilaw sa layong malabanan ang blindness o pagkabulag mula pagkabata.
Base kasi sa data mula sa World Health Organization, nagpapakita na ang kawalan ng Vitamin A ay nagreresulta ng hanggang kalahating milyong kaso ng childhood blindness kada taon, karamihan ay sa developing countries kung saan kalahati nito ay namamatay sa loob ng 1 taong pagkabulag.