Inatasan ng Court of Appeals (CA) ang Philippine National Police (PNP) na isumite ang report sa pinal na imbestigasyon nito sa drug war killings noong 2016.
Kabilang na dito ang pagpatay sa 4 na kalalakihan sa Payatas, Quezon city sa pinakaunang bahagi ng madugong war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa 6 na pahinang resolusyon na may petsang Enero 3, kinatigan ng appeals court ang mosyon ng nagiisang survivor sa naturang insidente na si Efren Morillo na humiling na atasan ang PNP na bigyan siya at ang mga kamag-anak ng 4 na nasawing indibidwal ng mga kopiya ng kanilang huling investigation report.
Sa desisyon naman ng korte, inatasan ang PNP Directorate for Investigation and Detective Management na magbigay ng kopiya ng investigation results kaugnay sa pagkamatay nina Marcelo Daa Jr., Raffy Gabo, Anthony Comendo at Jessie Cule gayundin ang frustrated murder kay Morillo noong Agosto 21, 2016.
Tinukoy ng CA ang isinagawang legislative hearings kung saan tumestigo sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating PNP chief at kasalukuyang Senator Ronald Bato Dela Rosa. Dito, nabunyag ang mga karagdagang ebidensiya sa napaulat na iregularidad at mga nagawang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng war on drugs at iba pang kaganapan na may kaugnayan sa umano’y extrajudicial killings sa kampaniya kontra iligal na droga.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng CA sa PNP na ipaalam sa korte kung nakumpleto na nito ang imbestigasyon at kung sakali man na natapos na ay dapat isumite ang final report sa loob ng 10 araw mula sa notice. Sakaling hindi pa nakumpleto, dapat na magbigay ang PNP ng latest reports nito at ang mga may kaugnayang mga dokumento mula sa nakalipas na 8 taon sa loob ng parehong time frame.
Una rito, nag-ugat ang kaso may kinalaman sa pagpatay sa 4 na indibidwal mula sa ikinasang antidrug operation ng Quezon City Police District team noong Agosto 21, 2016 kung saan base sa affidavit ng survivor, pinagbabaril ang kaniyang mga kasamahan habang naglalaro ng billiards sa isang bahay sa Payatas.