Nag-isyu ng freeze order ang Court of Appeals laban sa bank accounts at ari-arian ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy at 9 na kasamahan nito.
Sa 48 pahinang resolusyon, inisyuhan ng appellate court ng freeze order ang 10 bank accounts ng pastor, kabilang ang 7 niyang real properties, 5 sasakyan at 1 eroplano.
Gayundin ang mga bank account ng KOJC at Swara Sug Media Corporation na nago-operate ng Sonshine Media Network International (SMNI), ang media arm ng KOJC.
Batay sa korte, nakahanap ito ng resonableng basehan para paniwalaan na ang bank accounts ni Quiboloy ay dawit sa hindi lehitimong mga aktibidad at mga krimen gaya ng qualified human trafficking, sexual and child abuse, sex trafficking of children, fraud, conspiracy, marriage fraud, smuggling, money laundering, at iba pa.
Agad na magiging epektibo ang freeze order at magtatagal ng 20 araw.
Samantala, sa kampo naman ng SMNI, sinabi ng abogado ng network na si Atty. Mark Tolentino na bagamat nirerespeto nila ang desisyon ng korte, maghahain sila ng mosyon laban dito.