Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na magbitiw ang mga 3rd level police official ng Philippine National Police.
Ipinahayag ito ng pangulo sa kaniyang pagharap sa media sa kaniyang pagbabalik mula sa kaniyang state visit sa China.
Ayon kay Marcos Jr., katuparan ito ng kaniyang pangako noong siya ay nangangampanya pa lamang na aaksyunan niya ang problema ng bansa pagdating sa ilegal na droga.
Paglilinaw niya, may “go signal” niya raw ang hakbang na ito ni Abalos at sa katanuyana pa aniya ay matagal na raw nila itong pinagpaplanuhan.
Kailangan kasi talaga aniya itong gawin dahil hindi raw mangyayari ang problema sa ilegal na droga kung hindi sangkot ang ilang pulis dito dahilan kung bakit napapanahon nang linisin ang buong hanay ng Pambansang Pulisya.
Dagdah pa ng punong ehekutibo, kaugnay nito ay lilikha din sila ng isang komisyon na titingin sa records ng mga police officials.
Ito aniya ang magsisiyasat at magpapabalik sa mga ito sa serbisyo kapag wala silang kinalaman sa ilegal na droga, at sila rin aniya magsasampa ng kaso sa mga ito sa mga mapapatunayang sangkot ang mga ito pagdating sa nasabing katiwalian.