-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Palasyo Malacañang ang pagsusumite ng courtesy resignation ng lahat ng opisyal sa ilalim ng Presidential Communications Office (PCO).

Ito ay para mabigyan ng kalayaang magpasya ang bagong PCO Secretary sa paggampan ng kaniyang mga tungkulin, base sa inisyung memorandum ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Saklaw ng naturang direktiba ang lahat ng Presidential Appointees sa ilalim ng PCO na hindi permanente ang appointments.

Hanggang kahapon, Pebrero 28, ang ibinigay na petsa para sa pagsusumite ng courtesy resignation ng mga concerned official.

Inatasan naman si PCO Secretary Jay Ruiz na masusing i-monitor ang pagsunod ng PCO officials sa naturang direktiba.

Matatandaan, pinalitan ni Ruiz si dating Communications Sec. Cesar Chavez matapos na magbitiw ang huli, kung saan kabilang sa pangunahing direktiba sa ilalim ng pamumuno ni Ruiz sa PCO ay labanan ang disinformation.