-- Advertisements --

MANILA – Tiyak naman daw na makakatanggap ng COVID-19 vaccine ang 20% ng populasyon ng Pilipinas mula sa inisyatibong COVAX Facility ng iba’t-ibang kompanya at World Health Organization (WHO).

Pero paglilinaw ng Department of Health (DOH), huwag asahan ng publiko na darating ng isang bagsakan ang mga bakuna dahil sa ilang konsiderasyon.

“We are guaranteed for 20% of our population, but of course COVAX is explaining, (you) don’t get it all at the same time,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Mayroon tayong priorities na healthcare workers, na kung sakali ito lang muna ang mabibigay nila for the second, third quarter of the year, ‘yun muna ang uunahin natin (bigyan ng vaccines).”

Ani Vergeire, mismong mga organizer ng pasilidad ang nangako na lahat ng bansa na sumali sa COVAX ay makakatanggap ng bakuna sa kabuuan ng 2021.

“Ibig sabihin, kung mauna man ang kaunting dose muna sa una (batch), pero patuloy nilang maibibigay hanggang matapos ang taon (2021) itong 20% na sinisigurado nila.”

Ayon sa Gavi: The Vaccine Alliance, na isa sa mga nasa likod ng COVAX Facility, apat na uri ng bakuna ang dini-develop nila laban sa coronavirus.

Wala pang impormasyon ang DOH sa kung alin sa mga ito ang kukunin ng pamahalaan, pero tiniyak nitong sisikapin ng gobyerno na makapag-angkat dahil sa inaasahang limitadong supply.

“The supply internationally, globally, is not really sufficient sa bawat manufacturer, which is not really enough to supply all the countries kaya mapupunta tayo sa multiple sources ng bakuna.”

“All negotiations about vaccines, its details and information, should be answered by Sec. (Carlito) Galvez.”