MANILA – Ginawaran na rin ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang COVID-19 vaccines ng Janssen Pharmaceutical at Bharat Biotech.
Dahil dito, anim na bakuna laban sa coronavirus ang may emergency use sa Pilipinas.
Sa isang online post nitong Huwebes, nagpasalamat si Indian Ambassador to the Philippines Shambu Kumaran sa FDA dahil sa paggawad nito ng EUA sa bakuna ng Bharat Biotech na Covaxin.
“Delighted that #Covaxin has been granted EUA in the #Philippines. Congratulations @BharatBiotech!Thank you @FDAPhilippines. Appreciate support of @teddyboylocsin @DOHgovph and all friends of India in Philippines! Another decisive step in the long battle together against Covid-19!,” ayon sa opisyal.
Agad naman itong kinumpirma ni FDA director general Eric Domingo, na inaming nagawaran na rin ng emergency use ang bakuna ng Belgium-based na Janssen Pharmaceuticals.
Ang Janssen ay kompanya sa ilalim ng multinational corporation na Johnson & Johnson.
“Yung Johnson & Johnson, nagpapasalamat tayo sa FDA dahil lumabas na yung kanyang EUA,” ani vaccine czar Sec. Carlito Galvez.
Inamin ni Domingo na dumaan sa evaluation ng ahensya ang mga report ng “blood clotting” sa ilang nabakunahan ng Janssen vaccine sa Amerika.
“But all in all the benefit of using the vaccine in vaccinating 1-million people, very definitely outweighs the risk of possible clotting for every 1-million.”
Tinatayang anim hanggang 10-million doses ng Janssen vaccine ang dadating sa Pilipinas sa ilalim ng supply agreement deal na pipirmahan ng pamahalaan at kompanya ngayon linggo.
Sa ngayon, may isang dokumento pa raw na kailangan ipasa ang Bharat Biotech para maipasok ang kanilang bakuna sa bansa.
Marami raw kasing local government units ang bumili ng bakunang Covaxin.
“May isang papel pa sila na kailangan i-submit sa amin bago mag-import ng bakuna. Yun ang last certificate na kailangan nilang kunin dahil na-inspect na sila pero di pa nare-release yung kanilang certificate.”