-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sugatan bagamat nasa ligtas ng kalagayan ang tatlong construction workers na nadaganan nang gumuhong ongoing construction ng multi-purpose covered court sa Zone 1, Punta Bonbon, Barangay Bonbon, Cagayan de Oro City.

Kinilala ni Bonbon Barangay Konsehal Lope Matildo ang mga sugatan na sina Wilson Berja, 27; Arjel Gallana, 22, at Ronnie MiƱoza, 26, pawang may mga asawa at lahat nagmula sa bayan ng Salay, Misamis Oriental.

Sinabi ni Matildo sa Bombo Radyo na naganap ang pagguho ng proyekto nang itinipon ng mga biktima ang construction materials na gagamitin sana sa patuloy na pagtatrabaho kahapon ng hapon.

Inihayag ng opisyal na nasa 80 percent na ang pagtatrabaho ng kontraktor nang mangyari ang pagguho.

Samantala, naniniwala naman ang isang construction worker na si Anilson Rasala na maaring na bumigay ang istruktura dahil sa epekto nang magkasunod na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong Oktubre 2019.

Hindi kasi ligtas ang Cagayan de Oro sa mga malalakas na intensity ng lindol kung saan nagtala ng mga pagkabitak ang ilang mga gusali.

Samantala, humingi naman ng paumanhin si Cagayan de Oro 1st District Rep. Rolando “Klarex” Uy sa nangyari sa mga biktima at pagguho ng kanyang ipinatayo na proyekto.

Malaki ang paniniwala ni Uy na apektado rin ang pondasyon ng gusali dahil sa epekto ng mga lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao.

Inihayag nito na hindi niya ginusto na mangyari ang pagguho lalo pa’t nasa ilalim pa ito ng contractor na sumunod naman sa ipinag-utos na desinyo ng DPWH Region 10.