LAOAG CITY – Kinumpirma ni Dr. Jhoan Galano, pedia-onco specialist sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac na ginawa nilang temporary ward ang kanilang covered court dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kanilang pasyente na biktima ng dengue sa lalawigan.
Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Laoag kay Galano, sinabi niya na halos araw-araw ay may mga ina-admit silang pasyente na positibo sa dengue.
Ayon pa kay Galano, lahat ng mga pasyente nila na nasa covered court ay nakakulambo at may mga security guards sa paligid na nakabantay para masigurado ang seguridad ng mga pasyente.
Sinabi pa ni Galano na tatlo na ang namatay sa nasabing ospital lamang at ang mga ito ay pawang mga bata kung saan ang huling namatay ay anim na taong gulang na babae.
Inamin ng nasabing doctor na nababahala na sila dahil sa patuloy ng pagdami ng mga nagkakasakit ng dengue sa lalawigan.
Sa ngayon, umaabot na sa halos 400 ang mga biktima ng dengue sa Ilocos Norte simula lamang noong Enero hanggang ngayong buwan ng kasalukuyang taon.