-- Advertisements --

Pumalo na sa 2,385,616 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, matapos na iniulat nitong Lunes ng hapon ng Department of Health (DOH) ang 18,937 na karagdagang bilang ng mga infections.

Base sa case bulletin ng DOH, ang active cases sa ngayon ay bumaba sa 176,850 mula sa 178,196 na naitala naman nitong Linggo, Setyembre 19.

Ang total COVID-19 deaths ay aabot na sa 36,934 makalipas na 146 pang pasyente ang namatay dahil sa sakit.

Makikita rin sa data ng DOH na 20,171 pang katao ang gumaling, kaya nasa 2,171,832 na ang total recoveries.

Ayon sa DOH, 26.3 percent ang positivity rate sa ngayon, malayo sa international standard na less than 5 percent lamang.

“Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 7.4% (176,850) ang aktibong kaso, 91.0% (2,171,832) na ang gumaling, at 1.55% (36,934) ang namatay,” ayon pa sa abiso ng DOH. “Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong September 18, 2021 habang mayroong 5 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 5 labs na ito ay humigit kumulang 1.6% sa lahat ng samples na naitest at 1.7% sa lahat ng positibong mga indibidwal.”