Palalawakin pa ng pamahalaang lokal ng Taguig ang kanilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) contact tracing app na “TRACE” para labanan ang nakamamatay na virus at para makapag-avail din ang mga residente sa mga social services at benefits na alok pa ng siyudad.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano ang pagpapalawak sa TRACE app ay siyang gagamitin nila sa rollout ng mga bakuna sa ilalim ng vaccination program ng gobyerno.
Dahil dito, ayon sa alkalde hindi na mahihirapan pa ang mga residente ng Taguig para magparehistro dahil iisang datos na lang din ang kanilang gagamitin.
Sa pamamagitan ng TRACE, magiging centralized na ang lahat ng mga datos ng lungsod mula sa contract tracing hanggang sa iba pang serbisyo na alok ng pamahalaang lokal.
Hinimok ni Cayetano ang mga mamamayan nito, mga manggagawa at mga bisita ng siyudad na mag register sa TRACE Taguig app para magkaroon ng sariling QR code.
Inilunsad ng Taguig ang TRACE Taguig Registry for Assessment and City engagements nuong kasagsagan ng pandemya para magbigay serbisyo sa paglaban sa virus.
Ang nasabing application ay available sa Android at iOS, website application, self-service kiosks at door-to-door registration procedure para naman duon sa walang access sa technology at walang legal identification.
Sinabi ni Cayetano ang TRACE QR code ang siyang magsisilbing personal digital identification at health declaration form ng isang indibidwal.
Ginagamit na ngayon ng Taguig City Hall at ng ibang mga establisimiyento ang TRACE QR code para sa kanilang contact tracing.
Inihayag ng alkalde na balak din ng Taguig LGU na makipag partner sa iba pang mga establishments para sa pinag-iisang contact tracing effort.
Maliban sa bakuna, maaari na ring makakuha ng iba pang health at social services ang mga taga Taguig gamit ang App sa pamamagitan ng QR code.
Magtungo lang sa trace.taguig.gov.ph at sagutin ang mga hinihinging impormasyon bago mabigyan ng QR code.
Nakatakda ring magpakalat ang Taguig LGU ng mga tauhan para magbahay-bahay at magtatalaga rin sila ng kiosk para sa walk-in registration.