-- Advertisements --

hope1

Halos nasa 100% na ang bed capacity ng mga hospital at HOPE Community facilities sa Quezon City.

Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa siyudad.

Hinikayat naman ni Quezon City government ang mga residente na kung nangangailangan ang mga ito ng pasilidad para sa mga COVID-19 mild o asymptomatic patients mahalaga na makipag-ugnayan muna sa kanilang barangay at QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) para ma-admit sa ating HOPE facilities.

Batay sa datos ng QC LGUs, as of August 22, 2021 ang Quezon City General Hospital ay kasalukuyang mayroong 108 COVID-19 patients kung saan nasa 98.5% ang bed occupancy rate; Rosario Maclang Bautista General Hospital ay mayroong 95 pasyente at nasa 100% ang bed occupancy rate nito habang ang Novaliches District Hospital ay mayroong 39 pasyente at nasa 81.25% ang bed capacity.

Iniulat naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, nasa 91.6% o 112,118 na ang gumaling mula sa COVID-19 infection sa siyudad.

Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), 8,959 ang kumpirmadong active cases mula sa 122,375 na kabuuang bilang ng nagpositibo sa lungsod.

Sinabi ni Belmonte dumadaan sa validation ng CESU, health center staff at mga opisyal ng barangay ang datos na mula sa DOH para masigurong ang mga ito ay residente ng QC.

Sa kabilang dako, ayon sa alkalde umabot na sa 2,192,445 doses ng bakuna ang naiturok QCProtekTODO Vaccination Program sa tulong ng mga healthcare workers, staff at volunteers.

Sa kabuuan, 1,515,286 o 89.13% ng 1.7 Million na target population ang nabakunahan na ng first dose sa QC sa kabila ng limitadong supply ng bakuna.

Binigyang-diin ni Mayor Belmonte na malaking bagay ang pagbabakuna lalo na ngayong mataas ang banta ng Delta variant.

Umakyat naman sa 677,159 o 42.16% ang nakatanggap na ng kanilang second dose.

Hinihikayat ang QCitizens na magrehistro na sa QC Vax Easy upang makatanggap ng schedule ng pagbabakuna. Ang mga nabibigyan ng schedule ay alinsunod sa first in, first out system o prayoridad na mabakunahan ang mga naunang nakapagrehistro at depende pa rin sa supply ng bakuna na dumarating sa lungsod.