-- Advertisements --

ROXAS CITY – Umaabot na raw sa 6.6 million na katao ang apektado ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa United Kingdom.

Ito ang iniulat ni Bombo International Correspondent Reynand Dumala-on, tubong Sigma, Capiz at nagtatrabaho bilang isang guro sa Essex, England.

Paliwanag ni Dumala-on sa Bombo Radyo, naisiwalat ang impormasyon sa pamamagitan ng tracker questionnaire na nai-download ng mga Briton.

Nabatid na ang “COVID Symptom Tracker” na ginawa ng ilang scientists sa King’s College London ay nai-download na ng mahigit sa 650,000 times sa loob lamang ng 24 oras mula nang ito ay inilunsad.

Ginagamit umano ito ng mga tao sa kani-kanilang mga bahay lalo na ang mga may sintomas ng nakakamatay na sakit.

Inihayag pa ni Dumala-on na ang mga nasa ospital lamang ang isinasailalim sa testing ng mga health authorities sa UK.

Tinawag pa ni Dumala-on na “survival of the fittest” ang krisis na kinakaharap din ng naturang bansa.

Wala na rin aniyang lumalabas sa kani-kanilang bahay kung saan namimili na lamang sila online ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.