-- Advertisements --
DR GUIDO DAVID

Ang patuloy na pagdami ngayon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Delta variant ang posibleng naging dahilan ng pagsirit sa mahigit 22,000 na daily covid case sa bansa ngayong araw.

Kahapon lang nang nakapagtala ang Department of Health (DoH) ng karagdagang 516 na kaso ng Delta variant at mayroon na ngayong kabuuang 1,789 na kaso ng mas nakakahawang sakit.

Una rito sa pagtaya ng OCTA Research fellow Dr. Guido David, hindi raw malayong papalo sa mahigit 20,000 ang daily covid case lalo na’t naitala na ang record high covid case ngayong araw na 22,366.

Pangalawa rito ang naitala noong Sabado na mahigit 19,000 na covid case sa loob ng isang araw at pangatlong pinakamataas na covid case na mahigit 18,000 ay naitala naman kahapon.

Aniya, sa ngayon ay mas mataas pa rin kasi ang reproduction number sa 1 ang naitatala sa buong bansa kaya inasahan na nilang papalo sa mahigit 20,000 ang kaso ng covid kada araw pagsapit ng buwan ng Setyembre.

Base naman sa kanilang pagtaya, maaaring bumaba sa less than 1 ang reproduction number pagdating ng Setyembre 13 o 14.

Pero hindi naman daw nakikita ni David na papalo pa sa 30,000 ang daily case.

Para naman kay OCTA Research Professor Ranjit Rye, mahalaga ngayon para sa ating mga kababayan ang COVID-19 vaccination program at pagsunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing para mapigilan ang pagkalat ng Delta variant.

Nakita rin daw ng OCTA na bumaba ang bilang ng mga sumusunod sa minimum public health standards.

Dahil dito, nanawagan si Rye na manatili na lang muna sa kanilang mga bahay ang ating mga kababayan kapag wala namang mahalagang pupuntahan.

Kapag kailangan naman daw nilang pumasok sa trabaho, dapat ay sundin ng ating mga kababayan ang public health standards.

Sa ngayon nasa 13.8 million Filipinos na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 pero malayo pa sa target na 76.3 million Filipinos sa katapusan ng ataon para maabot ang tinatawag na herd immunity.