Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease sa mga overseas Filipino Workers na nasa ibang bansa.
Ito’y matapos makapagtala ang Department of Foreign Affairs ng 56 bagong kaso ng sakit dahilan para umakyat na ang kabuuang bilang sa 6,074 cases habang halos 3,000 na ang gumaling at 466 ang namatay.
Sa ibinahaging datos ng DFA, nananatiling mataas ang ang COVID-19 cases sa mga OFWs na nasa Middle East kung saan mayroong 3,900 kasalukuyang kaso ng virus at 207 naman ang namatay.
Sa kabila nito ay sa naturang rehiyon din naitala ang 1,691 recoveries habang mahigit 2,000 naman ang patuloy na nagpapagaling.
Ito na rin ang ikatlong beses na nasa ikalawang pwesto ang Amerika sa may pinakamaraming OFW na may COVID-19 kung saan 683 OFWs ang tinamaan ng sakit, 362 dito ng nakalabas na ng ospital at 164 naman ang namatay.
569 cases naman ang naitala mula sa 13 bansa sa Asia Pacific Region kung saan 83 katao ang kasalukuyang nagpapagaling.
Mula naman sa 17 bansa sa Europe ang mayroong 906 cases, 305 ang gumaling at 93 ang nasawi.
Samantala, nakabalik na ng Pilipinas ang 542 overseas Filipino workers mula Saudi Arabi at United Arab Emirates sakay ng magkaibang flights.