Pumalo na sa 221 ang Covid-19 cases na naitala sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP Spokesperson Marine MGen. Edgard Arevalo, sa nasabing bilang 22 na ang mga naka-recover sa virus habang 126 ang cleared na at pinayagan nang magbalik-trabaho o mag duty.
Habang isang civilian employee ng AFP ang nasawi dahil sa Covid-19.
Siniguro naman ni Arevalo na nasa maayos na kalusugan ang kanilang mga tauhan sa gitna ng paglaban sa pandemya at iba pang security issues na kinahaharap ng bansa.
Una nang inanunsyo na kapwa nag-negatibo sa Covid-19 sina AFP chief of staff Gen. Filemon Santos Jr. at Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos makasama sa pagtitipon ang isang staff ng kalihim na nagpositibo sa virus.
Sa kabilang dako, strikto pa rin na ipinatutupad ng Wesmincom ang heath protocols sa loob ng kampo para makaiwas sa Covid-19 virus.
Ayon kay Wesmincom chief Lt Gen. Cirilito Sobejana, mahigpit ang bilin nito sa mga ground commanders na sumunod sa mga health protocols at siguraduhin na maayos ang kalusugan ng mga sundalo.
Nakikipag-ugnayan din ang militar sa mga local government units sa Western Mindanao sa kampanya para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 virus.