LEGAZPI CITY – Umabot na sa mahigit 600 ang kaso ng coronavirus disease sa Bicol region matapos madagdagan ng 36 panibagong kaso.
Sa huling datos ng DOH CHD-Bicol, umakyat na sa 619 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng sakit sa rehiyon habang nasa 350 ang active cases.
Sa nasabing bilang 16 dito ang mula sa Albay (5 Guinobatan, 4 Daraga, 4 Tabaco City, 2 Ligao City, 1 Camalig), siyam sa Camarines Sur (3 Caramoan, 2 Bato, 2 Baao, 1 Pili, 1 Buhi), pito sa Masbate (2 Claveria, 2 San Pascual, 2 Esperanza, 1 Cawayan), tatlo sa Catanduanes (2 Panganiban, 1 Bagamanoc), and isa sa Naga City.
Isa naman ang napaulat na nasawi mula sa bayan ng Pili sa Camarines Sur, isang 64-anyos na lalaki, retired army at unang nakaranas ng sintomas ng sakit noong Agosto 3 at nagpakonsulta sa doktor noong Agosto 6, 2020.
Sa ngayon inaalam pa kung saan nakuha ng namatay na pasyente ang naturang sakit.
Dahil dito, umakyat na sa 16 ang COVID-19 related deaths sa rehiyon.
Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang ahensya sa pamilyang naiwan ng pasyente.