Nababahala ang Department of Health (DOH) sa posibilidad na dumoble ang COVID-19 cases sa bansa, partikular na sa Metro Manila sa mga susunod na araw.
Pahayag ito ni DOH Usec. Gerardo Bayugo sa virtual hearing ng House Committee on Metro Manila Development nitong umaga, ilang araw matapos na luwagan ang quarantine measures sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Bayugo, maraming mga tao ang lumabas ng kanikanilang bahay magmula nang isinailalim sa modified enhanced community quarantine ang NCR.
Kaya inaasahan na aniya nila na sa susunod na limang araw ay dodoble pa ang 8,245 COVID-19 cases sa NCR na naitala hanggang Mayo 16.
Patuloy din kasi aniya ang pagpasok ng mga resulta ng laboratory test ngayong Mayo na isinagawa sa mga suspected at probable COVID-19 cases.