-- Advertisements --
DOH EB DATA
IMAGE | Dr. De Guzman’s presentation/Screengrab, DOH

MANILA – Posibleng sumipa ng hanggang 28-beses ang bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus (COVID-19) sa Pilipinas sa susunod na buwan kung dadami pa ang tatamaan ng “variants of concern” ng SARS-CoV-2.

Ito ang inamin ng Department of Health (DOH) matapos mag-ulat ng karagdagang kaso ng “variants of concern” ng sakit noong weekend.

“Ayaw nating umabot sa punto na lahat ng samples na nase-sequence natin ay magiging variants of concern. Kapag ganoon (ang nangyari), itong nakikita nating pagtaas (ngayon), hindi lang 3-times, 4-times, pwedeng up to 28-times yung increase na makita natin,” ani Epidemiology Bureau officer-in-charge director Dr. Alethea de Guzman.

Aabot na sa 177 ang bilang ng tinamaan ng B.1.1.7 variant na unang na-diskubre sa United Kingdom. Nasa 90 naman ang infected ng B.1.351 variant mula South Africa, at isa ang may P.1 variant na mula Brazil.

Ayon sa mga pag-aaral, naging mas nakakahawa ang SARS-CoV-2 virus matapos mag-mutate o magbago ng anyo.

Nakita ang katangian na ito sa tatlong variants of concern.

Sinasabi namang may epekto sa bakuna ang mutation ng virus na nakita sa South Africa at Brazil.

“Kung ang reproduction number (R-Naught) ay 1 lang, so kung mayroong 100 tao, ang mai-infect niya ay just another a 100 people. Pero since these variants will be 70-times more transmissible ang R-Naught magja-jump siya. Example from ang R-Naught of 1.25, it jumps to 1.95. So from just 100 infecting another 125, its now from 100 people will infect 195 people.”

“And for each of those 195 people, there are also infecting an additional 195 people.”

Sa ngayon, 4,160 samples na ang naisailalim ng Pilipinas sa “whole genome sequencing.” Pero wala pa raw sa 7% nito ang katumbas ng mga kaso ng variants of concern.

Batay sa datos ng DOH, limang rehiyon na ang may mga kaso ng B.1.1.7 variant. Kabilang na rito ang Cordillera, Central Luzon, Calabarzon, National Capital Region, at Northern Mindanao.

A17
IMAGE | Dr. De Guzman’s presentation/Screengrab, DOH

Tatlong rehiyon naman ang may kaso ng B.1.351 variant, kabilang na ang NCR, Cagayan Valley at Northern Mindanao.

Binigyang diin ni Dr. De Guzman na hindi lang mga variant ng coronavirus ang sanhi ng pagsipa ng mga bagong kaso kamakailan.

AL176
IMAGE | Dr. De Guzman’s presentation/Screengrab, DOH

“Kahit wala tayong nakikita pang variants of concern sa maraming lugar sa Pilipinas, talagang may pagtaas ng kaso dito… ibig sabihin hindi lang variants of concern ang dahilan ng pagtaas.”

“At the end of the day, its the adherence to all of these public health standards na nagiging driver kung bakit tuloy-tuloy at mabilis ang pagtaas ng kaso.”

Batay sa huling datos ng DOH, aabot na sa 631,320 ang total coronavirus cases sa Pilipinas.