Ikinatuwa ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang ulat at datos ng OCTA Research Group na bumaba ng 5% ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Patuloy rin naman ang pagbaba ng reproduction rate.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, naitala na ang Quezon City ay pangalawang may pinakamababa na average daily attack rate sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Belmonte ito ay dahil sa dedikasyon at sakripisyo ng mga frontliners, at pakikiisa ng QCitizens sa mga ipinatutupad na contact-tracing, granular lockdowns, isolation, at minimum safe and health protocols.
Kaya pinasalamatan ni Belmonte ang lahat at umapela sa mga QCitizens na ipagpatuloy ang kooperasyon.
Giit ng alkalde dahil sa pagtutulungan, sama-samang malalagpasan ng lahat ang banta ng COVID at Delta variant sa lungsod.
Ayon kay Professor Guido David ng OCTA Research Group na ang average new cases per day for August 24 to 30 ay nasa 694, mababa sa 727 cases o -5% mula sa nakaraang linggo.
Habang ang reproduction number ay bumaba sa 1.30 mula sa 1.53.
Ang daily attack rate ay nasa 21.79 mula sa 22.83, kung saan pumapangalawa ang QC sa pinakamababa sa Metro Manila, habang ang positivity rate naman tumaas mula sa 24% ay nasa 25% ito ngayon.
Siniguro naman ni Mayor Belmonte na mananatiling mapagmatyag ang siyudad sa Covid-19 Delta variant sa siyudad.
Binigyang-diin ng alkalde na mas magiging agresibo pa ang siyudad sa kanilang contact tracing and testing, immediate isolation, at granular lockdowns para mapigilan ang pagtaas ng kaso.
Nasa ilalim ng Special Concern Lockdown Areas ang 50 lugar sa lungsod dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Partikular na lugar lamang ang sakop ng SCLA at HINDI buong barangay.
Siniguro ng QC govt na mamamahagi sila ng food packs at essential kits para sa mga apektadong pamilya at sasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine.
As of Sept. 2,2021, nasa 91.6% o 121,732 na ang gumaling mula sa COVID19 sa Quezon City.
Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), 9,840 ang kumpirmadong active cases mula sa 132,913 na kabuuang bilang ng nagpositibo sa lungsod.
Dumadaan sa validation ng CESU, health center staff at mga opisyal ng barangay ang datos na mula sa DOH para masigurong sila ay residente ng QC. Maaaring magbago pa ang bilang ng mga kaso sa lungsod dahil na rin sa isinasagawang community-based testing.