-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Hinigpitan pa ngayon ang pagbabantay ng mga otoridad sa mga entry at exit points sa hangganan ng Lanao Del Sur,Bukidnon at sa probinsya ng Cotabato dulot ng krisis sa Coronavirus Disease o Covid 19.

Ito mismo ang kinumpirma ni Banisilan Cotabato Mayor Jesus Alisasis.

Bago lang may ilang residente sa probinsya ng Cotabato na galing ng Davao City ang naharang ng mga pulis,sundalo,BFP at ibang mga frontliners sa Covid 19 checkpoint sa bahagi ng bayan ng Banisilan at Wao Lanao Del Sur.

Dahil galing sila sa Davao City at marami ang nagpositibo sa Covid 19 ay agad silang isinailalim sa 14-day quarantine.

Walang nakitang sintomas sa nakakahawang sakit kaya binigyan sila ng health clearance ng Municipal Health Office ng Banisilan Cotabato at pinauwi sa kanilang lugar.

Sinagot ng LGU-Banisilan ang pagkain at lahat ng gastusin sa mga residente na sinailalim sa 14 day quarantine.

Dagdag ni Mayor Jesus Alisasis na kahit nakatakdang ipatupad sa probinsya ng Cotabato ang General Community Quarantine mula sa Enhanced Community Quarantine ay hindi pa rin sila nagluluwag ng seguridad sa mga Covid 19 checkpoint.

Bago lang ay binisita ni Cotabato Governor Nancy Catamco, Mayor Alisasis at Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar ang Covid 19 checkpoint sa boundary ng Banisilan at Wao kung saan siniguro nito ang mahigpit na pagbabantay kontra sa nakakahawang sakit.

Mahigpit ang pinatutupad sa bayan ng Banisilan ang paggamit ng facemask, social distancing at ibang mga alituntunin sa umiiral na public health emergency na dineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng lokal na pamahalaan ng Banisilan Cotabato sa mga residente na grabeng naapektuhan dulot ng Covid 19 crisis sa bansa.