-- Advertisements --

Palalawakin pa ng Department of Health (DOH) ang kanilang isinasagawang contact tracing kasunod nang pagkumpirma sa ika-anim na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na mayroon nang nakalatag na plano ang kagawaran para mapalakas pa lalo ang kanilang ginagawang mga hakbang laban sa COVID-19.

Kahapon, kinumpirma ng DOH ang panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa, o ika-anim sa mga nagpositibo sa panibagong strain ng coronavirus na ito.

Ang panibagong kaso na ito ay asawa ng pasyente na nauna nang nakumpirmang nagpositibo sa COVID-19 na walang travel history sa mga nakalipas na buwan.

Kinumpirma rin ni Duque na ang ika-limang kaso ng COVID-19 ang siyang pinaka-unang kaso ng local transmission sa Pilipinas.

Kahapon, Marso 9, 2020, naglabas ng declaration si Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon nang public health emergency sa bansa kasunod nang rekomendasyon ng DOH.

Kapag naideklara ang public health emergency, sinabi ni Duque na magiging agaran ang paggamit ng pondo at mapadali rin ang proseso sa procurement ng mga kakailanganin na bagay.

Bukod dito, sinabi rin ng DOH na itinaas na rin nila ang Code Red Sub-level 1 alert, kung saan magkakaroon nang mandatory reporting ang mga ospital ng mga sakit na puwedeng kahina-hinala.

Magkakaroon din ng mandatory quarantine at hindi maaring umalma rito ang isang indibidwal.

Bukod dito, authorized na rin ang DOH na magpatupad ng travel restrictions at price freeze sa mga bilihin.