-- Advertisements --

Sinimulan na ng Spain ang pagpapaluwag sa ipinatupad nilang lockdown measures bilang tugon sa hinaharap nilang krisis sa coronavirus disease (COVID-19).

Isa ang Spain sa pinakamatinding tinamaan ng virus kung saan pumalo na sa mahigit 17,000 ang bilang ng mga namatay dahil sa virus.

Ayon kay Spanish Prime Minister Pedro Sánchez, pinayagan na nilang makabalik sa trabaho ang mga nasa manufacturing, construction, at ilan pang mga services upang buhayin ang nanamlay nilang ekonomiya.

Inalis na rin aniya ng gobyerno ang ilan sa mga restriksyon na ipinataw noong Marso, at pinahintulutan na ring magbukas ang ilang mga negosyo.

Gayunman, iginiit ni Sanchez na dapat ay tumalima ang mga ito sa ipinatutupad na istriktong safety guidelines.

Paliwanag pa ng opisyal, nabuo raw nila ang desisyon matapos ang konsultasyon sa komite na binubuo ng mga eksperto.