Kinumpirma ng tanggapan ng namayapang si Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol Jr. na dinapuan ito ng COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senior Citizen Party-list nominee Rodolfo Ordanes na pumanaw ang mambabatas dahil sa acute respiratory distress bunsod ng COVID-19.
“Cong. Datol was tireless in distributing vaccines to seniors in different communities until he succumbed to COVID-19,” saad ni Ordanes.
Makikipag-ugnayan din daw ang tanggapan ng namayapang mambabatas sa Secretariat ng Kamara para sa isasagawang necrological honors.
Bago sumakabilang-buhay, si Datol ang chairman ng Special Committee on Senior Citizen Affairs ngayong 18th Congress.
Maliban sa pagiging vice chairman ng limang komite, miyembro rin si Datol ng walong iba pang komite sa Kamara.