-- Advertisements --
Pangasinan
Pangasinan

DAGUPAN CITY – Umakyat na sa pito ang bilang ng kumpirmadong nasawi sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito’y matapos na lumabas ang resulta ng test mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na isinagawa sa isang pitong taong gulang na batang babae na residente ng Brgy. Inmalog Sur, sa bayan ng San Fabian.

Nabatid na ang biktima ay dinala sa La Union Medical Center (LUMC), noong Marso 26, 2020 at sa parehong araw ay nasawi rin.

Sinasabing ang agarang sanhi ng pagkamatay nito ay dahil sa ‘Hypovolemic shock’ na may antecedent cause na ‘Acute Gastroenteritis’ at ‘severe dehydration’ habang ang underlying cause naman nito ay ‘Pediatric Community acquired Pneumonia, T/C COVId-19’.

Nabatid na ito na ang unang kaso ng naturang sakit sa bayan at ang pinakabatang kaso rin dito sa Pangasinan. Nagsasagawa na ngayon ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng biktima habang agad ng isinailalim sa extreme community quarantine ang Brgy. Inmalog Sur.

Sa pinakahuling tala ng Pangasinan Provincial Health Office, nasa 23 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan, 16 sa mga ito ay nananatili sa ospital.

Narito ang mga bayan na mayroong kaso ng COVID-19 sa lalawigan:

1 (patay) -Bayan ng Rosales
1 (patay) -Bayan ng Bayambang
1 (patay) -Bayan ng Urbiztondo
1 (patay) -Bayan ng Basista
1 (patay) -Bayan ng Lingayen
1 (patay) -Bayan ng Malasiqui
1 (patay) – Bayan ng San Fabian
4 (naka-confine) -Lungsod ng Dagupan
1 (naka-confine) – Bayan ng Rosales
2 (naka-confine) – Bayan ng Malasiqui
1 (naka-confine) -Bayan ng Bugallon
1 (naka-confine) -Lungsod ng Urdaneta
1 (naka-confine) -Bayan ng Asingan
1 (naka-confine) -Bayan ng Infanta
3 (naka-confine) -Bayan ng Bayambang
1 (naka-confine) -Bayan ng Pozorrubio
1 (naka-confine) -Lungsod ng Alaminos

Umakyat naman sa 58 ang kabuuang bilang ng mga Patients Under Investigation (PUI) sa lalawigan. Apat sa mga ito ang namatay habang hinihintay ang resulta ng kanilang COVID-19 test.

Samantala, lumubo pa sa 81,428 ang Persons Under Monitoring (PUM) kung saan 25,951 ang nasa ilalim pa ng 14-day quarantine at 55,236 ang nakatapos na habang may 241 naman ang di nakumpleto ang naturang quarantine.