-- Advertisements --
D123

MANILA – Na-obserbahan ng Department of Health (DOH) ang pagtaas sa numero ng mga namamatay dahil sa COVID-19 sa pitong rehiyon sa bansa.

Batay sa datos ng Epidemiology Bureau, mula Marso hanggang Hunyo, kapansin-pansin ang pagtaas ng COVID-19 deaths sa Bicol region, Western Visayas, Northern Mindanao, Davao region, Soccsksargen, BARMM, at Caraga.

“Yung pagtaas ng deaths ay kaakibat, it parallels the increase in cases in these areas,” ani DOH chief epidemiologist Dr. Alethea de Guzman.

Bukod sa naitalang pagtaas ng COVID-19 cases sa mga rehiyon, maaaring nakaapekto rin daw ang napunong healthcare utilization rate ng mga ito.

“Ang mga karamihan sa kanila ay mga rehiyon na ang healthcare capacity ang napupuno, lalo na ang ICU beds.”

Bukod sa pitong rehiyon, binabantayan din ng DOH ang ilang lugar sa bansa.
Kahit daw kasi mababa ang numero ng kanilang COVID-19 cases, maaari pa rin itong maging banta sa kabuuang bilang ng mga namamatay.

“Sa ibang mga lugar maliliit but these small numbers contribute when taken as one.”

Sa datos ng ahensya, ilang rehiyon pa ang nasa moderate at high risk pagdating sa ICU utilization. Kabilang na rito ang:

Moderate risk
• Ilocos region (60.21%)
• Bicol region (67.86%)
• Eastern Visayas (63.44%)
• Zamboanga Peninsula (62.50%)
• Northern Mindanao (64.63%)
• Soccsksargen (66.67%)
• Calabarzon (66.81%)
• CAR (64.37%)

High risk
• Cagayan Valley (73.36%)
• Western Visayas (81.63%)
• Davao region (81.12%)

Ang National Capital Region (NCR) naman, nasa low risk kung saan 41.66% lang ng ICU beds sa mga ospital ang okupado.

“We saw a rapid decline in deaths over the month.”

Ayon kay De Guzman, sa buong Pilipinas, tinatayang 64 na lang bilang ng mga namamatay kada araw dahil sa COVID-19.

Mababa ito kumpara sa 123 average deaths per day sa nakalipas na mga linggo.

Batay sa report ng DOH nitong June 30, aabot na sa 24,662 ang total deaths ng COVID-19 sa Pilipinas.