-- Advertisements --
DOT PUYAT Tourism
Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat

Mangunguna si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglilibot sa buong bansa para i-promote ang iba’t ibang tourist destinations sa Pilipinas.

Ito ang muling tiniyak ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat sa joint hearing ng House Committees on Tourism at Economic Affairs patungkol sa epekto ng banta ng Coronavirus Disease (COVID-19) pagdating sa turismo at ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Puyat, suportado ni Pangulong Duterte ang mga gagawing hakbang ng Department of Tourism para maibsan ang epekto ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), partikular na ang pag-engganyo sa mga Pilipino na bumiyahe at mamasyal sa iba’t ibang tourism destinations sa Pilipinas.

Sinabi ni Puyat na sasama mismo ang Pangulong Duterte sa paglilibot para ito mismo ang mag-promote sa iba’t ibang magagandang lugar sa bansa.

Sa pagtaya ng DOT, posibleng aabot ng hanggang P42.9 billion ang lugi sa turismo lamang hanggang Abril dahil na rin sa bumabang arrivals ng mga mula sa China at special administrative regions nito na Hong Kong at Macau.

Mula Enero hanggang Pebrero 11, nasa 465 flights na ang nakansela mula China, Hong Kong, Macau at Taiwan, habang 11 mga cruise ships ang suspendido rin ang biyahe.