-- Advertisements --

Inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Maynila na hanggang sa buwan na lamang ng Disyembre ng kasalukuyang taon ang operasyon ng COVID-19 Field Hospital sa may Luneta park.

Ayon kay City Health Officer Dr. Arnold Pangan, magpapatuloy pa rin naman ang kanilang pagtanggap ng mga pasyente at pagbibigay serbisyo ng COVID-19 field hospital sa Luneta park sa lungsod ng Maynila hanggang sa buwan na lamang ng Disyembre.

Base sa data mula sa Manila Public Information office noong June 7, mayroong 11 o 3% ng kabuuang 344 kama sa Manila Covid-19 field hospital ang okupado.

Sa bilang na ito, tatlong hindi residente ng Maynila na pawang mga overseas Filipino workers ang nakaadmit at ang walong iba pang pasyente ay non-OFWs at tanging isa lamang na pasyente ang residente ng lungsod.

Sa datos noong Martes, June 7 nasa kabuuang 20 na lamang ang aktibong kaso ng covid19 sa siyudad habang nasa 114,219 ang nakarekober at 1,936 naman ang naitalang namatay sa sakit.