-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakakaranas ng diskriminasyon ang ilang nga Pinoy workers sa Calgary, Canada matapos maapektuhan ang mga ito ng COVID-19.

Sa ulat ni Bombo international correspondent Reuel Manlongat, isang caregiver sa Calgary, Canada, karamihan sa mga empleyado ng dalawang malalaking meat plant doon ay mga Pinoy, kung saan higit 2,000 o 60 hanggang 80% na empleyado ng Cargill Meat Plant ay mga Pinoy.

Aniya, matapos kumalat ang COVID-19 sa loob ng nasabing meat plant at nagsara ito ngunit kinailangang magbukas matapos ang dalawang linggo dahil doon nagmumula ang pinakamalaking suplay ng karne ng baka sa buong Canada.

Dahil aniya sa insidente ay nakakaranas ng diskriminasyon ang mga nasabing Pinoy workers at naba-bash pa ang mga ito sa online community.

Iba rin aniya ang pagtingin ng mga natives doon sa mga Pinoy na nagtutungo sa mga bangko at groceries.

Dinagdag pa ni Manlongat na sumasailalim ngayon sa self-isolation ang mga apektadong Pilipino ngunit wala silang hawak na eksaktong bilang ng mga Pinoy doon na nahawaan ng COVID-19.

Marami naman aniyang mga organisasyon doon na namimigay ng relief goods sa mga OFWs na hindi makalabas ng kanilang mga tahanan.