LAOAG CITY – Problemado ngayon ang ilang Pilipinong mangingisda sa bansang Mauritius dahil naubos na ang kanilang supply na pagkain at wala na silang mabilhan.
Kwento ng isang Pinoy fisherman na si Joel Andres, tubong Ilocos Norte pero kasalukuyang nasa Mauritius, kadadaong lamang nila nitong Lunes ng hapon at dito nila nalaman na sarado lahat ng grocery store sa nasabing lugar.
Aniya, limang buwan silang nasa gitna ng dagat at wala silang kaalam-alam sa nangyayari sa bansa dahil sa COVID-19.
Sinabi pa ni Andres na natatakot na din silang lumabas kaya nanatili na lamang sila sa loob ng kanilang barko at dito sila naguusap-usap kung paano sila makapag-provide ng kanilang makakain hanggang matapos ang lockdown sa nasabing bansa.
Sa ngayon, nakapagtala na ang bansang Mauritius ng 324 kaso ng COVID-19, siyam na ang patay at 42 ang mga tuluyan nang nakarekober.
Ang Mauritius ay isa sa mga bansang nasa East Africa at magtatagal ang ipinatupad nilang lockdown hanggang sa Mayo 4 sa kasalukuyang taon.
Dagdag niya na sa ngayon hindi nila alam kung saan sila bibili sa kanilang mga kailangan lalong-lalo na yung mga pagkain.