-- Advertisements --

Paguusapan pa raw sa meeting ngayon ng Technical Working Group (TWG) ang iba pang detalye kaugnay ng repatriation sa mga Pilipinong sakay ng Diamond Princess cruise ship na naka-board sa Yokohama, Japan.

Nitong hapon nga ng kumpirmahan ni Health Sec. Francisco Duque na mapapaaga sa Linggo, February 23, imbis na sa February 25 ang dating ng mga Pilipinong magpapa-repatriate dahil sa banta ng novel coronavirus infectious disease (COVID-19).

Batay nga sa hawak na datos ng DFA, 538 ang bilang ng mga Pinoy na sakay ng cruise ship kung saan karamihan ay miyembro ng crew.

Pero ayon kay Sec. Duque, wala pang tiyak na bilang kung ilan ang darating sa Linggo.

“I was told that there will be two planes that will bring in our compatriots, but they are not arriving at the same time. So I think there will be some two or three hours difference between the two arrivals.”

Nakausap na raw ng Inter-Agency Task Force si Interior Sec. Eduardo Ano para maipaabot sa LGU ang plano na sa New Clark City rin i-quarantine ang mga uuwing Pinoy.

“The IATF already unanimously decided that the NCC will be the accommodation of choice, which will be temporarily use as the quarantine facility for 14 days.”

“The president (Duterte) himself during the meeting with local chief executives Monday last week (he said) that it will be the national government that in the end will make the decision with regard of the repatriation of our compatriots.”

Sa ipinaabot na impormasyon ng Japanese health authorities sa DOH, 41 Pinoy na sakay ng cruise ship ang positibo sa COVID-19.

Ayon kay Sec. Duque, bukas ang kanilang hanay na isama sa repatriation ang mga Pinoy na nag-positibo sa sakit pero paguusapan pa raw ng Task Force ang hakbang para sa mga ito.

May 16 na ospital daw ng magpapadala ng kanilang mga doktor at staff para mag-assist sa mga uuwing Pilipino.

Wala naman umanong inaasahan na pagbabago sa sistema ng repatriation, maliban sa adjustments dahil sa dami ng mga Pilipinong sakay ng barko kumpara sa 1st batch ng repatriates galing Wuhan City, China.