-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tumaas ang bilang ng mga pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19) na isinusugod sa Aklan Provincial Hospital nitong mga nakaraang linggo.

Batay sa kalatas na ipinalabas ni Aklan Governor Florencio Miraflores, nasa 78 porsyento na ng itinalagang COVID-19 ward sa naturang ospital ang okupado.

Sa kabuuang 90 kama anya dito, nasa 65 hanggang 70 COVID-19 patient ang kasalukuyang ginagamot na may katamtaman hanggang malalang sintomas ng sakit, kung saan dalawa hanggang tatlo ang naitatalang namamatay.

Dahil dito, napagpasyahan ng pamunuan ng pagamutan na magpatupad ng ilang pagbabago sa kanilang protocols.

Kasama dito ang pansamantalang pagsuspinde sa out-patient consultation at kontroladong pagtanggap ng mga non-COVID patients.

Pansamantalang ititigil rin ang ilang operasyon kagaya ng general surgery, orthopedics, ENT, ophthalmology at mga manganganak.

Tanging emergency o life threatening cases lamang ang tatanggapin.