KORONADAL CITY – Tiniyak ng mga OFWs sa bansang Japan na hindi dapat pangambahan ang outbreak ng novel-coronavirus lalo na sa nakadaong na Diamond Princess cruise ship.
Ito ang ibinahagi ni Jim Jude Tarino, isang OFW sa Japan sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Tarino, sinisiguro naman sa kanila ng Japanese government na kontrolado nila ang naturang sitwasyon.
Samantala, nagkukumahog ngayon ang mga residente na makakuha ng mga face mask, matapos napabalitang ubos na umano ang suplay ng mga ito.
Ayon kay Tarino, wala na umanong suplay ng mga face mask sa naturang bansa at limitado na rin aniya ang pagbili ng alcohol.
Dagdag nito na medyo nagmahal rin ang presyo ng naturang produkto, kung saan mabibili na umano ang isang 60ml alcohol sa P200.
Ngunit sa kabila nito, tiniyak umano nitong nasa ligtas na kalagayan ang mga Pilipino.
Matatandaang dalawa na ang nasawi sa loob ng naturang cruise ship dahil sa naturang sakit.