-- Advertisements --

ROXAS CITY – Sinuspinde na ng pamahalaan ng United Arab Emirates ang lahat ng leaves of absence at mga nakatakdang travel ng ilang mga Filipino nurses doon upang makatutok sa kanilang trabaho sa mga ospital sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Maritess Rufo, 11 taon nang nagtatrabaho sa isang government hospital sa Dubai, naglabas ng utos ang pamahalaan na hindi muna maaaring mag-avail ng leaves of absence o maglakbay ang mga nurses dahil kinakailangan ang kanilang serbisyo sa mga ospital.

Sinabi nito na isang malaking hamon ngayon para sa mga nurses ang pag-akyat ng COVID-19 cases sa Dubai dahil naka-expose rin sila sa posibleng impeksiyon mula sa mga pasyente na kanilang pinangangalagaan.

Samantala, pusposan rin aniya ang isinasagawang disinfection at sanitation sa mga kalsada at mga establisimento sa Dubai bilang hakbang laban sa pagkalat ng virus.

Kontrolado naman aniya ng pamahalaan ang pag-akyat ng kaso ng nasabing sakit dahil sa kanilang aktibong mga hakbang at sa pakikiisa ng mga mamamayan.

Mapag-alaman na nasa 143 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa UAE kung saan dalawa ang naitalang patay at 31 naman sa mga pasyente ang gumaling na.