LEGAZPI CITY- Isinisisi ng Department of Agriculture ang pagsabay ng coronavirus disease pandemic sa mabilis na pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa rehiyong Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Emily Bordado tagapagsalita ng DA Bicol, inamin ng opisyal na dahil sa pandemya hindi gaanong natututokan ngayon ng mga local government units ang pagbabantay laban sa nakakahawang sakit sa mga baboy lalo na pagdating sa border controls at checkpoints.
Sa ngayon nasa 48 mga bayan at lungsod sa lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Catanduanes at Sorsogon ang nakapagtala ng kaso ng ASF.
Tanging ang island province na lamang ng Masbate ang hindi pa napapasok ng virus kung kaya’t mahigpit itong binabantayan ng ahensya.
Nanawagan si Bordado sa publiko na iwasan na ang iligal na paglabas at pagbebenta ng mga infected na karneng baboy lalo na sa pamamagitan ng social media na talamak umanong istilo ngayon ng ilang indibidwal.