KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang covid-19 patient na senior citizen matapos na magkaubusan ng supply ng oxygen sa South Cotabato Provincial Hospital.
Kinilala ang nasawi na si Mr. Larano , residente ng Barangay General Paulino Santos, Koronadal City at presidente ng Irrigators Federation sa Koronadal, Banga at Tantangan, South Cotabato.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ginang Melanie Larano, asawa ng biktima, nakaranas ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga ang kanyang mister kaya’t dinala nila sa isang pribadong ospital ngunit dahil sa punuan na at walang available na hospital bed ay inilipat nila ito sa South Cotabato Provincial Hospital.
Na-confine at naipasok sa Covid ward ng provincial hospital si Mr. Judy Larano at na-check up din ng doctor at may naibigay din na oxygen upang magamit nito.
Ngunit, nagpaalala na umano ang hospital staff na last oxygen na ang kanilang maibibigay dahil punong-puno at napakaraming pasyente ang naka-confine.
Naghanap din ng oxygen ang mga kamag-anak nito ngunit hindi na nakaabot pa at binawian ng buhay ang pasyente.
Sa ngayon, ipina-cremate na ang bangkay ng pasyente habang naka-isolate naman ang asawa nito.
Napag-alaman na nasa critical level na ang South Cotabato Provincial Hospital at iba pang pagamutan sa probinsiya dahil punuan na, fully occupied ang mga hospital beds at kulang ang supply ng oxygen.