-- Advertisements --
NDRRMC 1

Kinumpirma ni Health Sec. Francisco Duque na nailikas na ang mga Coronavirus Disease (COVID)-19 patients na nananatili sa mga mega quarantine facilities kasunod ng banta ng Bagyong Rolly.

Ayon kay Duque, ang mga nasabing pasyente ay pansamantalang inilikas sa mga hotel at ospital dito sa Metro Manila.

Siniguro ng kalihim na sumunod sa kaukulang protocols ang paglikas sa mga COVID patients at sapat ang gamot ng DOH para sa mga evacuation centers.

Batay sa naging pagtaya ni National Disaster Risk Reduction and Management Office Executive Director Ricardo Jalad, nasa halos 1,000 COVID patients ang inilikas sa mga quarantine facilities.

Nakahanda na rin ang nasa 26.5 million pondo para sa mga gamot, health kits, personal protective equipment, at COVID supplies.

Ayon sa kalihim, naka-preposition na rin ang P21.7 billion additional supplies commodities sa DOH warehouse.

Samantala, nakataas sa code blue alert ang health department na nangangahulugang kalahati ng empleyado ang pinag-report.

Pinatitiyak din ni Duque sa mga hospital na nakahanda ang kanilang mga life saving equipment at gumagana ang kanilang mga generator sets.