-- Advertisements --

Bago mag-alas-9:00 ngayong gabi inaasahang lalapag sa Haribon hangar ng Clark International Airport ang Airbus A330-343.

Ito yung special flight ng Philippine Airlines na nagsakay sa first batch ng mga Pinoy crew at passengers na ni-repatriate mula sa M/V Diamond Princess cruise ship sa Japan.

Alas-4:27 nitong hapon yung naging estimated time of arrival sa Haneda Airport ng unang chartered flight mula nang umalis sa NAIA saktong alas-11:00 kaninang umaga.

Pasado alas-12:00 naman ng tanghali nang tumulak ang ikalawang special flight din ng PAL na susundo sa mga Pinoy.

Agad sinalubong ng medical team ng DOH at Philippine Embassy sa Tokyo ang mga Pinoy makaraang bumaba sila ng barko.

Sinuri ang kanilang temperatura at dumaan sa masusing screening process bago sumakay ng bus papuntang Haneda airport.

Ayon nga kay DFA Usec. Brigido Dulay umakyat na sa 80 ang bilang ng mga Pinoy mula sa cruise ship na nag-positibo sa novel coronavirus.

Pero ayon sa Department of Health, dalawa sa mga ito ang gumaling na kaya 78 pa ang naka-admit sa ospital sa Tokyo.

Wala pang inilalabas na impormasyon ang DOH kung yung dalawang nag-negatibo sa sakit ay kasama sa flights ngayong gabi.

Pero, una ng nilinaw ng ahensya na sakaling umuwi ang mga ito ay hindi na sila dadalhin sa New Clark City para sa 14-day quarantine.

Sa ngayon, naka-pwesto na sa New Clark City ang mga DOH personnel na sasalubong at magmamando sa quarantine facility.

Kanina inihanda na nila yung mga thermal gun at iba pang equipment na gagamitin sa pagsalubong sa mga Pinoy repatriates.