-- Advertisements --

Ngayon pa lang ay inihahanda na ng Department of Health (DOH) ang lahat ng health workers at mga ospital sa bansa sakaling madagdagan pa ang bilang ng mga nag-positibo sa COVID-19.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque sakaling i-akyat nila sa sublevel 2 ang ipinatupad na Code Red alert ay magbabago pa ang kasalukuyang measures na kanilang ibinaba bilang tugon sa sitwasyon ng novel coronavirus disease sa Pilipinas.

“Increasing number of local cases whose links cannot be established, the strategy will be shifted from an intensive contact tracing to the implementation of community-level quarantine or lockdown. And possible suspension of work or school.”

Kagabi ng ilabas ng DOH ang ulat na may apat na bagong nag-positibo sa COVID-19 sa bansa, kaya nasa 10 na ang total na bilang ng may kaso ng sakit.

Ang ika-pitong kaso ay isang 38-anyos na lalaking Taiwanese na bagamat walang travel record sa labas ng bansa ay nakasalamuha naman ang kanyang kababayan na bumisita dito sa Pilipinas.

Hindi kalaunan ay nag-positibo umano ito pagkauwi ng Taiwan. Unang nakitaan ng sintomas sa sakit ang dayuhan noong March 3.

Galing naman ng Japan ang ika-walong kaso na isang 32-anyos na lalaking Pilipino.

Isang 86-year old na American national naman ang ika-siyam na kaso na natukoy na may travel record sa Estados Unidos at South Korea. Bago mag-positibo sa COVID-19 ay diagnosed na ito sa hypertension.

Habang Pilipino rin na 57-anyos na lalaki ang ika-sampung kaso. Wala naman itong travel history pero nakasalamuha raw nito ang isang COVID-19 patient dito sa bansa.

Paliwanag ni Sec. Duque iaakyat lang nila sa sublevel 2 ang code red kung makapagtatala ng sustained community transmission.

Ibig sabihin, hindi na lang sa isang lugar sa kumakalat ang sakit.

Ngayong araw inaasahan ang pormal na anunsyo ng Malacanang sa approval ni Pangulong Rodrigo Duterte sa deklarasyon ng State of Public Health Emergency.

Sa ilalim daw nito tiyak na mabilis ang proseso sa pagre-release ng pondo, luluwagan ang sistema ng procurement o pagbili sa mga kailangang gamit, magiging mandatoryo ang reporting ng mga ospital, mas pinaigting ang contact tracing at activation ng subnational hospitals.

Mamayang ala-1:00 ng hapon haharap muli sa press briefing ang Health officials para magbigay ng updates kaugnay pa sa mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.