ROXAS CITY – Pinaghahanap ngayon ang 18-anyos na binata na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) positive na tumakas sa isang crisis center sa lungsod ng Roxas.
Kinumpirma sa Bombo Radyo ni Punong Barangay Lorilee Aguirre ng Barangay 5, Roxas City na tinawagan ito ng crisis center kung saan naka-kustodiya si alyas Santos 18-anyos at ipinagbigay alam na tumakas ito matapos sumailalim sa swab test.
Ayon kay Aguirre, isinailalim sa swab test sa Hortus Botanicus ang mga youth offenders na nasa kostodiya na nasabing crisis center matapos nagkaroon ng close contact sa isang COVID-19 positive.
Nagpaalam diumano si Santos sa mga frontliners na gagamit ng comfort room ngunit ng makakita ng tiyempo ay tumakas.
Kinausap ni Kapitan Aguirre ang ina ni Santos na kaagad pinasinungalingan na umuwi sa kanilang bahay ang anak.
May nakapagsabi na nakita nila si Santos na umuwi ngunit hindi rin nagtagal at umalis ito kasama ang girlfriend at sumakay sa tricycle.
Pinuntahan rin ang address na ibinigay ng ina, ngunit walang Santos na nakita.
Samantala para masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa Barangay 5, ay kinordon ang bahay ni Santos at hindi pinahintulutan na makalabas ang sino man na miyembro ng kanilang pamilya.